BAGUIO CITY – Pinapabilis na ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang screening sa mga pamilyang maaaring makinabang sa Social Amelioration Program (SAP) kasabay ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, kumuha ang lokal na pamahalaan ng 300 katao na tutulong sa pagpili sa mga kwalipikadong pamilya para mas mapabilis ang proseso.
Ipinaliwanag niyang kapag kaya ng isang tao na mag-screen ng 20 aplikasyon sa isang araw ay makakaya din ng bawat barangay na magproseso ng 6,000 na aplikasyon sa bawat araw.
Inihayag ng alkalde na posibleng aabot sa 45,000 na pamilya sa Baguio City ang makikinabang sa SAP.
Idinagdag ni Magalong na web-based ang screening at inventory para mas mabilis ang data encoding sa pagproseso sa nasabing programa.