Pinaigting ang screening sa mga papasok at palabas ng Pilipinas sa gitna ng banta ng mpox o dating tinatawag na monkeypox.
Ayon sa Department of Health, dapat ideklara ng mga biyahero sa kanilang eTravel form kung sila ay mayroong pantal, vesicles o paltos sa nakalipas na 30 araw bago bumiyahe bilang parte ng surveillance laban sa mpox para mapigilan ang pagpasok ng karagdagang mga kaso ng naturang sakit mula sa ibang bansa.
Binigyang diin din ng DOH na mahalagang maging tapat ang lahat ng mga biyahero sa kanilang pagsagot sa katanungan sa eTravel form kung nakaranas ng sakit sa nakalipas na 30 araw.
Gayundin, sakaling ang biyahero na dumating sa Pilipinas ay natukoy na nagmula sa bansang inilista ng World Health Organization bilang outbreak area, may history ng exposure sa mpox case o anumang sintomas o sinyales ng sakit, aalertuhin ng eTravel system ang Bureau of Quarantine at Bureau of Immigration saka naman irerefer ng BI ang pasahero sa BOQ para sa ikalawang screening.
Sakaling matukoy ang pasahero na suspect case ng mpox, dadalhin ito sa mpox referral hospital.
Sa kasalukuyan, may kabuuang 14 na kaso ng mpox ang naitala na sa Pilipinas simula noong Hulyo 2022 kung saan 9 dito ay nakarekober na mula noong 2023 habang 5 ang aktibong kaso na nag-aantay pa na malunasan ang mga sintomas. Ang 5 aktibong mpox cases ay positibo sa clade II, mas mild na uri ng mpox virus.
Ang mpox ay isang nakakahawang sakit na sanhi ng bulutong o “smallpox” na nakukuha sa mga hayop tulad ng unggoy, daga at mga aso o kaya’y karaniwang nakukuha mula sa tao sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa taong may monkeypox. Ang mga sintomas ay lagnat (fever), sakit ng ulo (headache), pananakit ng katawan at papamaga ng lymp nodes at pagpapagod, pamamantal (rash) at pamumuo ng “blisters”. Sa ngayon myroong mpox vaccine na epektibo sa pagprotekta laban sa naturang virus.