-- Advertisements --

Pinuna ng isang party-list congressman ang aniya’y “scripted” na pagtanggal sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde sa provincial director ng Negros Oriental police at tatlong iba pang chief of police.

Sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na ang “damage control” na ginagawa ngayon ng PNP ay paraan para salagin ang pagpalag ng publiko sa “Tokhang style” massacre sa 14 na magsasaka sa probinsya.

Iginiit ng kongresista na dapat ilabas ng pulisya at ng miliar ang pangalan ng lahat ng sangkot sa lahat ng aspeto ng madugong operasyon na ito.

“Kung wala silang tinatago at handa silang humarap sa imbestigasyon ay ilabas na nila ang listahan at dumalo rin sa mga ipapatawag na pagdinig sa kaso,” ani Zarate.

Kamakailan lang ay inalis sa puwesto ni Albayalde sina Negros Oriental Police Provincial Director Raul Tacaca, Canlaon City Police chief Patricio Degoy, Manjuyod Police chief Roy Mamaradlo at Sta. Catalina Police chief Michael Rubia para bigyan daan ang impartial investigasyon sa magkahiwalay na operasyon sa probinsya na kumitil sa buhay ng 14 na magsasaka.