CAUAYAN CITY- Handa na ang Schools Division Office o SDO Cauayan City sa isasagawang Licensure Examination for Teachers (LET) sa January 30, 2022
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City na handa na ang dalawang paaralan sa lunsod na pagsasagawaan ng pagsusulit.
Kinabibilangan ito ng Cauayan City National High School at Cauayan North Central School at nasa 151 kuwarto ang magagamit.
Handa na rin ang mga guro na mangangasiwa sa examination gayundin ang mga susunding panuntunan.
Aniya, pangatlong pagkakataon na ito na magkaroon ng examinations sa lunsod kaya kaunting adjustment na lamang ang kanilang ginawa.
Tuluy-tuloy namang ang pakikipag-ugnayan nila sa local government unit, DOH at IATF dahil mayroon pa ring mga restrictions at panuntunan na kailangang sundin at nang maging maayos at ligtas ang mga mag-eexam.
Sinabi pa ni Dr. Gumaru na sasailalim sa antigen test ang mga mag-eexam at kung magpositibo ay hindi na sila papayagang tumuloy sa pagsusulit.
Dapat din ay nabakunahan na o kung hindi pa ay nakapagquarantine.
Maging aniya ang mga guro na mangangasiwa ay kailangan ding nabakunahan na at hindi pa ay mag-quarantine ng kahit pitong araw.
Kung valid naman ang rason kaya hindi sila nabakunahan ay dapat kumuha ng certification mula sa mga concerned authorities.
Ayon kay Dr. Gumaru, nasa isang libo limang daan ang inaasahan nilang mag-eexam sa darating na linggo.