-- Advertisements --
sea games mv 2

Ikinagalak umano ng world class theatre actress na si Lea Salonga nang matanggap nito ang imbitasyon upang kantahin ang official theme song para sa 30th South East Asian Games na pinamagatang “We Win As One.”

Kaagapay ng 48-anyos na mang-aawit sina musician-composer Ryan Cayabyab at writer-director Floy Quintos upang maging matagumpay lamang ang preparasyon sa kanta maging sa music video na gagamitin para sa naturang 12-day sport meet.

Pag-amin ni Lea, kinailangan niyang aralin ng mabuti ang bawat nota at tono ng kanta dahil isang malaking responsibilidad umano para sa kaniya ang representasyon nito.

Ayon pa rito, sinasalamin din ng official theme song ang ganda ng kulturang Pilipino.

Tampok sa naturang music video ng “We Win As One” ang seryosong pag-eensayo ng mga Filipino athletes na lalaban sa 56 (limamput anim na laro) games sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11 na gaganapin naman sa halos 44 venues sa Pilipinas.

Sa kabilang banda, ipinagmalaki naman ni Philippine SEA Games Organizing Committee Chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga positibong komento ng mga Pilipinong atleta na una nang sumubok sa ilang sport facilities sa New Clark City Capas, Tarlac.