-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi tatalikuran ni Southeast Asian Games 2019 boxing gold medalist Carlo Paalam ang pagiging buhay-mahirap kahit malayo na ang nararating nito sa kanyang boxing career.

Ito ang katiyakan ni Paalam na napaiyak habang inaalaa ang hirap na dinaranas noong hindi pa napasok sa boxing program ni City Mayor Oscar Moreno.

Inamin ni Paalam na nangunguha lamang ito ng mga basura para maibenta at mayroong magagamit na pera para sa kanilang pang-araw araw na pangangailan habang nakatira sa kulungan ng baboy sa Zayas,Upper Carmen ng lungsod noon.

Si Paalam ay mayroong 14 pang kapatid mula sa kanyang ama at ina na parehong mayroon nang sariling mga pamilya matapos magkahiwalay.

Kung maalala, mainit na sinalubong ni Moreno at boxing fans kasama ang buong pamilya si Paalam nang umuwi mula Metro Manila na dala ang tagumpay ng SEA Games 2019 sa Cagayan de Oro City kung saan binigyan ng hero’s welcome at engrandeng hapunan sa tourism hall nitong Martes ng gabi.