Nakabalik na ang triathlon team ng Pilipinas matapos ang matagumpay na laro sa 32nd Southeast Asian Games sa bansang Cambodia kung saan inuwi ng koponan ang tatlong gold, dalawa silver at 1 bronze medal.
Kabilang sa event na napanalunan ang gintong medalya ay ang Aquathlon mixed relay na binubuo nina Matthew Justine Hermosa, Iñaki Lorbes, Kira Ellis, at Erika Burgos.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Hermosa, sinabi nitong masaya siya sa naging resulta ng laro at sa naging karanasan nito sa SEA Games bilang first-timer, gayunpaman, malaking hamon pa umano ang pag-adjust dahil sa mainit na panahon doon.
Natutunan pa umano ng 17 anyos na Cebuano ang hindi magpakampante sa laro dahil hindi na basta-basta ang mga makakalaban lalo na ang nangyari sa Cambodia na di nila inaasahang may ipinasok na import.
Sinabi pa nito na wala umano silang sekreto sa laban at ginawa lang nila ang lahat ng kanilang makakaya.
Samantala, ibinunyag pa ni triathlon coach Roland Remolino na hindi sana kasali sa lineup si Hermosa at ginawa lang na reserba gayunpaman, nakita niya umano ng potensyal nito kaya niya pinapasok sa team.
Nang maipasok na sa koponan, pinayuhan niya agad ito na magkaroon ng magandang simula at komportableng lead kaya naipanalo ang laban.
Sa ngayon ani coach, wala na silang pahinga at diri-diretso na sa pag training para naman sa darating na kumpetisyon sa Japan kung saan kalahok pa rin ang tatlong Cebuano triathletes na sina Hermosa kasama sina Kim Remolino at Raven Faith Alcoseba.