-- Advertisements --
sea games handover
Photo courtesy of 2019 SEA Games Facebook page

Nakatakda nang ibiyahe patungong Pilipinas ang Southeast Asian (SEA) Games flame makaraang tanggapin ito ng bansa mula sa 2017 host na Malaysia sa ginanap na handover ceremony sa Kuala Lumpur.

Tinanggap ng delegasyon ng Pilipinas sa pangunguna ni Philippine Olympic Committee board member Cynthia Carreon ang SEA Games flame kanina mula kay Malaysia Olympic Committee president Norza Zakaria, kasabay ng pagsisindi ng
lantern na siyang mitsa para sa countdown ng pag-uumpisa ng regional meet sa Nobyembre.

Dumalo rin sa okasyon ang ilan pang mga sports officials ng bansa, gaya ni Philippine SEA Games Organizing Committee chief operating officer Ramon Suzara, Philippine Sports Commission commissioner Celia Kiram, at mga atletang sina Ian clark bautista ng boxing at ang taekwondo jin na si Pauline Lopez.

“The flame handover is an important symbolic ceremony showing the turnover of responsibilities from past host to present,” wika ni Phisgoc ceremonies director Mike Aguilar.

Matapos ang okasyon ay dadalhin na ang flame sa Pilipinas kung saan naman maglulunsad ng mga torch run activities na isasagawa sa iba’t ibang dako ng bansa.

Partikular na dadaanan ng torch ang mga lungsod ng Davao, Cebu, at Clark, at dadalhin din ito sa Senado, Kamara de Representantes at sa Malacanang.

Layunin ng Phisgoc na ipabatid at iparamdam sa mga mamamayan na sila’y kabahagi pa rin sa SEA Games kahit na karamihan sa mga events ay idaraos sa Luzon.