-- Advertisements --

Kumpiyansa ang coaching staff ng Philippine men’s basketball team na mabilis na matuturuan ang kanilang tropa sa nalalabi nilang mga araw ng pagsasanay bago magbukas ang 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ito’y kahit naghayag na sila ng pagkabahala sa kaunting panahon na lamang na natitira at sa kakapusan pa ng praktis ng Gilas Pilipinas dahil sa nagpapatuloy na PBA Governors’ Cup.

Katunayan ay hindi na rin natuloy ang ensayo ng Gilas ngayong araw bunsod ng krusyal na tapatan ng San Miguel Beer at TNT KaTropa sa Miyerkules.

Maging ang dapat sana’y naka-schedule na tune-up game kontra sa isang bisitang koponan mula Taiwan ay kanselado na rin matapos magtamo ng injuries ang dalawa sa kanilang mga players.

Pero ayon kay Gilas head coach Tim Cone, tiwala ito na mabilis na makaka-pick up ang mga Nationals sa oras na magsagawa na sila ng consecutive practice simula Nobyembre 28.

Mainam na rin aniya ito upang makapagpahinga ang mga Pinoy cagers nang sa gayon ay makapagpokus sila nang husto sa Gilas at sa SEA Games.

Paliwanag pa ni Cone, maayos na raw ang opensa ng Gilas at kaunting hilot na lamang ang kanilang gagawin sa aspeto ng depensa.

“It’s always a difficult situation. You make the best you can out of it, and I trust the guys, I trust our players that when the time comes, they’ll be ready… They got a feel for our offense, and we just gotta create better habits for our defense,” wika ni Cone.