-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Dismayado ang isang 2019 SEA Games gold medalist dahil sa hindi pagbigay sa kanya ng athlete discount nang bumili siya ng mga gamot sa isang drug store na matatagpuan sa isang mall sa Session Road, Baguio City.

Inihayag ni 2019 SEA Games Obstacle Course Racing gold medalist Sandi Menchi Abahan ang kanyang sentiyemento matapos hindi siya binigyan ng nasabing drug store ng diskwento na nakasaad sa RA 10699 o ng National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.

Aniya, ipinakita niya ang kanyang athlete’s ID para makapag-avail ng nasabing diskwento sa mga gamot na binili niya para sa kanyang pag-recover.

Gayunman, nakita niyang ngumisi ang pharmacist at patanong na inulit ang salitang “athlete’s discount.”

Tinawag aniya ng nasabing pharmacist ang kanyang manager pero hindi pa rin nila ibinigay ang nasabing diskwento.

Inihayag pa ni Abahan na sa tingin ng nasabing pharmacist ay nakakatawa ang pangyayari.

Ayon sa atletang tinaguriang Asian Circuit Queen, hindi lang ito ang unang pagkakataon na siya at ng kanyang mga kasamang atleta ay hindi binigyan ng kanilang insentibo at benipisyo.

Dinagdag niya na sawa na siya sa hindi pag-acknowledge ng mga tao sa nasabing batas at sawa na rin siya sa pakiramdam na ini-isip ng mga taong atleta “lamang” sila.

Iginiit ng ultra runner ng Baguio City na pinaghihirapan nila ang kanilang skills at talent at ginagawa nila ang lahat para mabigyan ng karangalan ang bansa.

Sinabi pa nito na dapat may massive information campaign sa mga establishment sa bansa para ipaalam ang nasabing batas.

Batay sa RA 10699, may 20-percent discount ang mga national athletes at national coaches sa iba’t ibang serbisyo kasama na ang pagbili ng mga gamot at sports equipment sa lahat ng sulok ng Pilipinas.

Nakasaad na ang mga national athletes ay mga atleta ng bansa na kasapi ng national training pool na may accreditayion mula sa Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at ng National Paralympic Committee of the Philippines na naging kinatawan ng Pilipinas sa mga international sports competitions.