VIGAN CITY – Bumalik na sa matinding pagsasanay para sa prestihiyosong World Taekwondo Championship sa Wuxi, China sa December 18 hanggang December 20 ang isa sa mga nakasungkit ng gintong medalya sa larangan ng taekwondo na bahagi ng Team Philippines.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ng 20-anyos na si Kurt Bryan Barbosa na tubong – Bangued, Abra, sinabi nitong wala itong pahinga dahil kahapon, isang araw matapos ang kaniyang matagumpay na kampanya para sa 30th Southeast Asian Games sa larangan ng men’s 54 kilogram category, kaagad na itong bumalik sa pagsasanay para sa nasabing world championships na isasagawa sa susunod na linggo.
Ang nasabing world championships ang magsisilbing daan kay Barbosa upang makapasok sa Tokyo 2020 Olympics na matagal na nitong inaasam, pati ng buong taekwondo team ng bansa.
Sa kabila nito, labis ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa kaniya, mula sa kaniyang mga coach, mga kasamahan sa Philippine team at lalo na sa kaniyang pamilya na bumiyahe pa mula sa lalawigan ng Abra hanggang sa Manila upang mapanood ang kaniyang performance.