LA UNION – Pinaplantsa na ng Department of Tourism (DoT)-Region 1 ang pagsasagawa ng seminar at orientation sa mga hotels and restaurant sa bayan ng San Juan, La Union ukol sa pagluluto at tamang paghahanda ng halal foods.
Sinabi sa Bombo Radyo ni DoT-1 Spokesperson Evangeline Dadat, plano nilang isagawa ang seminar-orientation sa pagluluto at paghahanda ng halal food sa darating na Setyembre, ilang buwan bago magsimula ang SEA Games na gagawin sa bansa.
Inaasahan ng DoT na may mga bisita na manggagaling sa Muslim countries sa Southeast Asia, gaya ng Malaysia at Indonesia, kung kaya’t kinakailangan na maturuan ang mga food handlers sa tamang paghahanda ng nasabing uri ng pagkain.
Halal ang tawag sa pagkain na karne ng mga muslim, na kinatay sa tamang proseso alinsunod sa Islamic law.
Una nang sinabi sa Bombo Radyo La Union ni Provincial Information and Tourism Office head Adamor Dagang, tinatayang 300 mga atleta at coaches sa Muslim countries ang tutungo sa probinsiya bilang isa mga venue ng SEA Games dahil dito isasagawa ang surfing competition.
Ang Pilipinas ang magho-host sa ika-30 edisyon ng SEA Games na gagawin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.