LA UNION – Hinahangaan at pinag-uusapan ngayon ang ginawang kabayanihan ng Filipino surfer dahil sa pagsagip nito sa katunggaling Indonesian surfer habang nasa kalagitnaan ng kompetisyon ng SEA Games sa bayan ng San Juan, La Union.
Habang sabay na magpapakita sana ng kani-kanilang tricks ang dalawang atleta ay nahulog ang Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat mula sa surf board at napatanggal ang lesh o tali nito na nakadugtong sa kanyang paa.
Nang mapansin ng coach ng Team Philippines na tinangay palayo ng mga naglalakihang alon ang surf board ng dayuhan ay sinabihan nito ang event announcer na ipanawagan sa Filipino surfer na si Roger na tulungan ang katunggali.
Dahil dito, habang nasa kalagitnaan ng pagpapakita ng tricks ay itinigil ito ni Casugay at sinagip ang Indonesian gamit ang sarili surfing board.
Nagpalakpakan ang mga delegado at mga spectators nang matunghayan nila na mistulang pelikula na magkaangkas na ang dalawa sa surf board ng Filipino surfers habang paahon sa dalampasigan.
Para sa iba, nakakataba ng puso ang ginawa ng kababayan sa kanyang mahigpit na kalaban.
Dahil sa ginawa ni Casugay na pinili nitong itigil ang paglalaro upang tulongan ang katunggali.
Taas noo namang iwinagayway ng mga kababayang Filipino na nanood sa dalampasigan ang watawat ng Pilipinas sa labis na kasiyahan.
Samantala, suspindido ang surfing competition nitong Biyernes ng hapon dahil sa naturang insidente.