-- Advertisements --
cayetano1
Cayetano

Kumpiyansa si House Speaker Alan Peter Cayetano na magiging matagumpay ang hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games sa kabila ng kaliwa’t kanang mga delay at kontrobersiya.

Matatandaang sumuong ang bansa sa iba’t ibang mga isyu, gaya ng pagkaantala sa paglalabas ng budget hanggang sa gusot sa liderato ng Philippine Olympic Committee (POC).

Ayon kay Cayetano na siya ring chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), umaasa rin sila na ang bersyon ngayon ng biennial meet ang siyang maging pinakapinanood sa kasaysayan, lalo pa’t ito rin ang pinakamalaki sa bilang ng mga laro at events.

Naniniwala rin si Cayetano na ang hosting ng Pilipinas sa SEA Games ay magiging rebranding ng bansa lalo na sa mga bansa sa Kanluran, sa Europa at sa Estados Unidos.

Paliwanag ng opisyal, makikita raw ng mundo ang direksyon ng Pilipinas, na mas ligtas at drug-free kumpara sa una nang lumalabas sa mga balita.

“They see the poverty and the gridlock traffic, corruption side of the Philippines,” ….. [Through the SEA Games], they’ll see the New Clark City, they’ll see the direction of the country, they’ll see it’s safer, they’ll see what a drug-free… or the suppression of drugs can do for our country,” wika ni Cayetano.

Ayaw namang magbigay ng prediksyon ni Cayetano kung ilan ang medalyang hahakutin ng bansa sa pagtatapos ng SEA Games.

Pero inamin ni Cayetano na pressured ang Team Philippines matapos ang nangyari sa 2017 edition sa Malaysia kung saan nag-uwi lamang ang bansa ng 24 gintong medalya.

Itinuturing ito na isa sa worst finish ng Pilipinas.

“Napapaso talaga ‘yung nagpe-predict eh,” ani Cayetano. “So, I don’t wanna say we have a crystal ball.”

“We want to win it,” dagdag pa nito. “But we want to win it fairly.”