-- Advertisements --

May nakahandang contingency plan ang Philippine SEA Games Organizing Committee Foundation sakaling hindi maihahabol ang rehabilitasyon ng Rizal Memorial Coliseum bago ang pagsisimula ng sporting events sa susunod na buwan.

Ayon kay Philippine SEA Games Organizing Committee Foundation chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano, sa simula pa lamang ng kanilang pagpaplano ay mayroon na silang contingency plans para sa lahat ng venues na gagamitin para sa hosting ng Pilipinas ng 30th SEA Games.

“So lahat po ito from the opening to the closing ceremonies, lahat ng venues may contingency plan naman po, but of cource ‘yung gusto natin ‘yung first choice dahil nga we can put on the best show,” ani Cayetano.

Gayunman, tiwala si Cayetano na matatapos ang rehabilitasyon ng 85-year-old arena sa susunod na dalawang linggo.

Nauna nang sinabi ni Gerard Lico, ang architect na nangunguna sa proyekto, na ang overhaul ng Rizal Memorial Coliseum ay 85 percent nang handa.

Target nilang mai-turnover ito sa darating na Nobyembre 12 para sa pep rally ng mga Filipino athletes.