-- Advertisements --
CLARK
New Clark City

CAPAS, Tarlac – Siniguro ng construction firm na MTD Philippines na matatapos nang mas maaga sa takdang oras ang pagtatayo sa mga pasilidad sa New Clark City sa Capas, Tarlac na gagamitin para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Sa ginanap na ocular inspection nitong Biyernes, sinabi ni company president Patrick Nicholas David, gumagamit na raw sila ngayon ng mga modernong teknolohiya upang mapabilis ang konstruksyon sa mga pasilidad sa New Clark City.

Wala rin daw silang nakikitang mga balakid sa pagtatayo ng mga venues at kahit umulan o bumagyo ay tuloy-tuloy lamang daw ang kanilang trabaho.

Katunayan ay inabot aniya ng 15 buwan bago maitayo ang dalawang sports facilities na araw-araw tinatrabaho ng mga manggagawa upang masapul ang target.

Itinakda raw nila sa Agosto 31 ang sarili nilang deadline upang matapos ang mga venues kahit na ang orihinal na petsa ay sa Oktubre 15 pa.

“The name of the game for the entire [National Government Administrative Center] is speed. We have to complete everything half of the time this is normally constructed,” wika ni David.

Ang Aquatic Center, na sinertipikahang Class 1A ng International Swimming Federation (FINA), ay nasa 90% na raw bago makumpleto.

Ani David, ang inaayos na lamang nila ay ilang mga maliliit na detalye bago ipagamit sa mga atleta ng bansa na magsasanay para sa naturang regional multi-sport event.