-- Advertisements --

Lilipad patungo sa ibang bansa ang mga miyembro ng Philippine national polo team upang sumailalim sa matinding training bago ang nalalapit nilang kampanya sa 30th Southeast Asian Games sa susunod na buwan.

Ayon kay House Deputy Speaker at Philippine National Federation of Polo Players (PNFPP) founding director Mikee Romero, tutungo ang mga kasapi ng national squad sa Argentina, Australia, at sa Estados Unidos upang magsanay sa ilalim ng mga kilalang Argentine at American coaches.

Makakasama ni Romero na magsanay sa Buenos Aires ang limang national players, pati sina coach Anthony Garcia at team manager Lope Juban.

Ani Romero, target daw nilang hakutin ang dalawang gintong medalya na nakataya sa kanilang sports kaya naman magsasanay daw sila nang husto upang makatulong sa Team Philippines.

“We intend to win the two gold medals at stake in our sport so we need to train as hard as we can in order to help the country win the overall championship,” wika ni Romero.

Una nang inihayag ni Romero na nais daw nilang ibigay ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa regional sports meet.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni competition manager Camila Lastrilla, kaunti na lamang at handa na rin ang Miguel Romero Field at Iñigo Zobel Field sa Calatagan, Batangas na gagamiting venue ng polo para sa SEA Games.

“The pavilion is going through some finishing touches,” ani Lastrilla.

Ilan sa mga inaasahang makakatunggali ng Pilipinas ang mga miyembro ng royal famili ng Brunei, maging ang Indonesia at Thailand.