-- Advertisements --

Magsisimula umano sa balwarte ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao ang ceremonial torch relay para sa hosting ng Pilipinas ng 2019 Southeast Asian Games.

Ayon kay Ramon Suzara, chief operating officer ng Phisgoc, pinag-aaralan pa umano ng komite ang pagtatalaga ng limang stops para sa relay.

“We get the torch from Malaysia, the previous host… It will land in Davao, then it goes to Cebu, then from Cebu to Manila,” wika ni Suzara.

“It lands in Manila but goes first to Tagaytay. From Tagaytay, it goes back to Manila and goes to Congress (House of Representatives).”

Posible rin umanong isama ang Malacañang sa magiging ruta.

Matapos nito, dederetso ang torch sa Clark na isa sa mga venues ng palaro.

Sinabi ni Suzara, mag-uumpisa ang relay isang buwan bago ang opening rites ng SEA Games sa Nobyembre 30 ngunit wala pang partikular na petsa.

Magiging bahagi rin daw ng okasyon ang dating mga atleta, sponsors at mga partners ng Palaro.

Ang opisyal na torch ay dinisenyo ni National Artist for architecture, Francisco Mañosa, na siya ring nagdisenyo ng cauldron ng SEA Games.