Nangangarap pa rin ang SEA Games silver medalist at triathlete na si Andrew Kim Remolino na makapasok sa 2024 Paris Olympics sa kabila ng mga trahedya na kanyang pinagdaanan.
Napaharap nga si Kim sa kaliwa’t-kanang pagsubok sa kanyang buhay.
Maliban sa nagpapatuloy na pandemya ay nakaranas din siya ng personal na trahedya kung saan ay nasunog ang kanilang tahanan, kanyang mga medalya at kagamitan sa pag-eensayo noong nakaraang buwan.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Kim, ibinahagi nito na kahit sa kabila ng mga pagsubok na kanyang kinakaharap ay positibo pa rin ito na abutin ang kanyang mga pangarap mas lalo na ang makapasok sa Olympics.
Lubos din itong nagpapasalamat sa lahat ng sumuporta at nagpaabot ng tulong sa kanya.
“I am very thankful lang po talaga na safe po lahat from the fire. Kasi para sa akin po, napapalitan naman po talaga iyong mga material na things. From what happened po, parang sobrang dami naman pong blessings na pumalit po. It’s my way of thanking na din po lahat po ng tumulong, na talagang i-pursue po iyong dream ko na i-represent ang ating bansa sa lahat po ng mga international games na sasalihan ko. Stay positive lang po kasi matatapos na din po ito lahat.”
Sa kasalukuyan ay naghahanda na ito para ma-qualify sa Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam sa susunod na taon.