-- Advertisements --

Inamin ni Guimaras Gov. Samuel Gumarin na kinakapos na ang kapasidad ng local government sa pagtugon sa problemang dala ng masamang lagay ng panahon at stranded na mga pasahero, produkto at iba pa.

Ayon kay Gumarin sa panayam ng Bombo Radyo, nakasalalay sa pagtatawid sa dagat ang halos karamihang pangangailangan nila kaya malaking dagok ang nangyaring trahedya kamakailan.

Maliban sa nasuspindeng sea travels, maraming transaksyon din ang naantala.

“Malaki po ang impact nito sa mga residente natin at hindi kayang lokal na gobyerno lang ang kumilos,” wika ni Gumarin.

Matatandaang maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi natuloy kagabi sa Guimaras para dumalaw sa mga pamilyang naulila dahil sa trahedya noong weekend na kumitil ng mahigit 30 katao.

Nagpasalamat naman si Gumarin sa dagdag na tulong ng national government, kasama na ang paglalaan ng malalaking vessel na magagamit ng kanilang mga hindi makabyaheng kababayan.