Matatagpuan sa distrito ng Sheung Wan, Hongkong ang mga tindahan na nagbebenta ng seahorses sa paniniwalang may taglay itong sustansya na tulad ng Viagra.
Ang Sheung Wan district ay itinuturing na sentro ng kalakalan para sa mga Chinese medicines tulad ng tuyong halaman at ilang parte ng hayop na kadalasan ay ginagamit bilang gamot sa sakit.
Kadalasan, hinahalo ang mga tuyong seahorses sa tsaa upang gamiting gamot sa asthma at sexual dysfunction para sa kalalakihan.
Sa Project Seahorse analysis na isinagawa ng University of British Columbia sa Canada, nakita sa global trade data na ang Hongkong ay responsable sa halos two-thirds ng imports ng seahorses mula 2004 hanggang 2017. Dahil dito ay tumaas ang market sales ng mga seahorses sa China, Taiwan at Indonesia.
Ngunit ayon sa mga eksperto ay wala pa ring scientific evidence na kayang magpatunay na epektibo ang tuyong seahorses upang magpagaling ng mga nasabing sakit.
Ito rin ang nagiging sanhi ng mabilis na pagbaba ng bilang ng mga seahorses sa mundo, ayon sa mga eksperto. Kung saan bumaba ang populasyon ng 11 species ng seahorses mula 30%-50% sa loob ng 15 taon.
Ayon kay Sarah Foster, program manager ng Project Seahorse, halos 37 milyong seahorses ang nahuhuli kada taon at sa kabila ng iba’t ibang programa upang protektahan ang mga ito, marami pa rin ang iligal na nagbebenta ng seahorses sa iba’t ibang panig ng mundo.