Tinapos na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang search rescue and retrieval operation sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga matapos ang malakas na lindol noong Lunes.
Pero nilinaw ni NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na iti-turn over na lamang nila sa lokal na pamahalaan ang pagpapatuloy sa search and retrieval operation para makita kung may mga survivor o mga bangkay pa sa loob gumuhong supermarket.
Paliwanag ni Posadas, sa isinagawang incident management team briefing na dinaluhan mismo ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad ay napag-usapan nilang magpu-pull out na ng puwersa ang mga national responders at bahala na ang local government na ipagpatuloy ang operasyon.
Una rito, sinabi ni Posadas na pito sa 14 na nawawala ang ligtas na natagpuan sa lugar at ilan sa mga ito ay nasa kamag-anak nila ngunit napasama ang pangalan sa mga nawawala matapos ang lindol.