-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ika-apat na araw na ngayon ng search operation sa dalagitang tinangay ng malakas na agos ng tubig sa isang ilog sa Tublay, Benguet sa kasagsagan ng nararanasang epekto ng habagat sa lalawigan.

Nakilala ang biktima na si Deserie Lagman Empleo, 14-anyos at residente ng Bong-edan, Tuel, Tublay, Benguet.

Batay sa report na nakalap ng Bombo Radyo Baguio, nangyari ang insidente noong nakaraang Sabado, July 31, kung saan, tatawid na sana sa ilog ang dalagita at kapatid nito.

Napag-alaman na nadulas si Empleo hanggang sa tinangay ito ng malakas na agos ng tubig.

Malakas at kulay putik ang agos ng tubig sa nasabing ilog dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan na dulot ng nararanasang habagat.

Kasabay nito, uma-apela naman ng tulong pinansiyal ang pamilya ng dalagita sa mga may mabuting puso para matustusan ang mga pangangailangan sa nagpapatuloy na search operation, gaya ng pagkain ng mga volunteers at mga personnel ng PNP at BFP.