Magpapatuloy pa rin ang search and rescue operations kahit pa nananatili pa rin sa 172 ang bilang ng mga napaulat na nasawi habang 110 naman ang nawawala kasunod ng hagupit ng bagyong Agaton, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sinabi ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na umaasa ang mga rescuers na marami pa rin silang masasagip na mga survivors sa mga lugar na nakaranas nang pagguho ng lupa.
Ayon kay Colonel Noel Vestuir, 802nd Infantry Brigade commander, hindi pa nila pormal na dinideklara naman ang search and retrieval operation para makapagbigay pa rin ng pag-asa sa mga pamilya ng mga nawawalang indibidwal.
Sa kanilang 8 a.m. report sinabi ng NDRRMC na ang death toll sa pananalasa ng Bagyong Agaton ay nananatili pa rin sa 172.
Dagdag pa ng NDRRMC, 115 sa mga napaulat na nasawi ay mula sa Eastern Visayas, 11 ang sa Western Visayas, tatlo ang sa Davao, at dalawa naman ang mula sa Central Visayas.
Sa kabilang dako, 104 sa mga napaulat na nawawala ay mula naman sa Eastern Visayas, lima ang mula sa Western Visayas at isa ang mula sa Davao.