-- Advertisements --
Chuzon supermart Pampanga quake
Chuzon supermart in Porac, Pampanga levelled to the ground after the 6.1 magnitude quake

Itutuloy pa rin umano ng search and rescue team ang paghuhukay sa gumuhong gusali ng isang supermarket sa Porac, Pampanga na pinaka-naapektuhan ng magnitude 6.1 na lindol sa Central Luzon.

Ito ay sa kabila ng ulat na wala ng senyales ng buhay na nabatid mula sa bumigay na gusali.

Ayon kay Pampanga Provincial Police Office Dir. Col. Jean Fajardo ano mang sandali ngayong araw ay sisimulan na ang retrieval at clearing operations sa ground zero.

Gayunpaman, hindi raw ititigil ng kanilang hanay ang search and rescue dahil sa posibilidad na may ma-recover pang mga bangkay.

“Possibly by the end of this day we will have a decision whether to ico-convert yung ating search and rescue into retrieval, but yung nakikita ngayon is initial clearing operation doon sa mga na-clear na area,” ani Fajardo.

“(Sa ngayon) search and rescue operations pa rin although sinasabi ng rescuers na at the moment wala ng proof of life but we don’t want to end yung search operations.”

Sa ngayon plano raw nilang bawasan ang bilang ng rescuers para magbigay tulong sa danyos sa epekto ng 6.5-magnitude na lindol sa Eastern Samar.

Batay naman daw sa assessment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) posibleng abutin ng tatlong araw ang paglilinis sa lugar.

Kaugnay nito, inamin ni Fajardo na wala pang kasong naisasampa laban sa may-ari ng Chuzon supermarket.

Pero nagsimula na raw ang DPWH at CIDG sa kanilang imbestigasyon ukol sa kasong adminitratibo o kriminal na ihahain sa may-ari ng establisyemento.

“Inimbitahan si Mr. Chu just for questioning. Kailangan kasi namin siyang ma-interview regarding sa history ng building, ilan yung empleyado, floor plan at business permit. Hindi naman siya na-take for custody.”