CAUAYAN CITY – Pansamantalang itinigil ang search and rescue operation sa mga nawawala sa pagguho ng 12 palapag na gusali sa Miami, Florida, U.S.A dahil sa paparating na hurricane o bagyo.
Umakyat na sa 18 ang nakuhang bangkay mula sa gumuhong gusali habang mahigit 140 pa ang nawawala.
Umaabot sa 500 rescuers ang nagtutulungan sa paghahanap sa mga nawawala at nais ni Pangulong Joe Biden na huwag silang malagay sa panganib kapag gumuho ang iba pang bahagi ng gusali dahil sa paparating na bagyo o kaya ay thunderstorm.
Sa naging panayam ng BombO Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Melegrito, editor ng isang pahayagan sa Washington DC na umabot ng dalawang oras ang pakikipag-usap ni Pangulong Biden sa pamilya ng mga nasawi at nawawalang biktima.
Tiniyak niya ang pagbibigay ng tulong sa kanila at buong suporta sa isinagawang search and rescue operation.
Ipinarating ni pangulong Biden ang taos-pusong simpatya at pakikiramay sa mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay sa naganap na pagguho ng condomnium building.