BAGUIO CITY – Mabibigyan ng mahigit tatlong araw na red carpet treatment ang mga mapipiling first-time visitors ng Baguio City.
Ipinasigurado ito ni Bombo Radyo Baguio anchorman Jordan Tablac na siya ngayong presidente ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC) na nangunguna sa nasabing aktibidad.
Aniya, magsisimula sa April 18 ang Search for the 2019 Lucky Summer Visitors ng Baguio.
Sisimulan ng selection committee ng oldest and largest media organization sa Northern Luzon ang pagpili sa umaga ng April 18 sa Marcos Highway mula sa mga bus na patungo ng Baguio.
Puntirya aniya ng BCBC ang mga turistang millenials dahil sa mga physical activities na nakahanda para sa mga ito.
Bibisitahin ng mga Lucky Summer Visitors ang mga sikat na pasyalan sa Baguio at sa La Trinidad at Tublay sa Benguet kung saan mabibigyan pa ang mga ito ng pagkakataon na pumitas ng strawberries.