Nagpapatuloy sa ngayon ang paghahanap sa sa grupo ng walong climbers na nawala habang inaakyat ang ikalawa sa pinakamataas na bundok sa India.
Tatlong mga search teams na ang ipinakalat at nakarating na ang mga ito sa unang base camp, na 25-kms mula sa tuktok.
Habang papunta na rin ang isa pang team na may dala-dalang medical at civil supplies.
Inaalam din sa ngayon kung nawala ang mga climbers habang sila ay paakyat o pababa, maging ang sanhi ng kanilang paglaho.
Bago ito, ayon sa mga lokal na otoridad, tinangka raw ng grupo, na kinabibilangan ng apat na Briton, dalawang Amerikano, isang Australian, at kasama ang kanilang liaison officer na Indian, na akyatin ang Nanda Devi East na itinuturing din bilang isa sa mga pinakamahirap akyating bundok sa India na may taas na 24,000 talampakan.
Ang nawawalang walo ay bahagi ng mas malaking team na binubuo naman ng 12 na umalis sa village ng Munsiyari noong Mayo 13.
Ngunit apat na lamang ang nakabalik sa base camp 12 araw ang lumipas, o noong Mayo 25.
Sa isang pahayag, sinabi ng UK Foreign Office na patuloy ang kanilang koordiansyon sa mga kinauukulan sa India.
Gayundin ang Department of Foreign Affairs and Trade ng Australia na nagbibigay din umano ng consular assistance sa pamilya ng kababayan nilang kasama sa pangkat ng mga trekkers. (CNN)