-- Advertisements --
cordillera

Pinalakas pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pakikipag-tulungan sa mga local government units para marekober at ma-retrieved ang nasa 20 katao na naiulat na nawawala dahil sa bagyong Ulysses.

Kapwa tiniyak nina AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay at PNP Chief Gen. Debold Sinas na hindi titigil ang kanilang mga search and rescue teams hanapin ang mga nawawalang indibidwal.

Ayon kay AFP chief Gapay, bukod sa mga nakadeploy na mga SRR teams, minobilized na rin nila ang kanilang mga land,air and water assets at kung kinakailangan pa itong dagdagan ay mayruon pang naka-standby.

Siniguro din ni Gapay na sapat ang kanilang mga tauhan para tumulong sa mga LGUs sa gagawing clearing operations.

Pinasisiguro din ni Gapay sa mga unit commanders na ligtas at nakakapahinga ang kanilang mga SRR teams.

cordillera4

Samantala, tiniyak naman ni PNP Chief Gen. Debold Sinas, na nakatutok ang kanilang mga search and rescue team para mahanap ang mga nawawalang indibidwal.

Nasa 6,869 PNP personnel ang itinalaga para sa search and rescue operations habang nasa 11,410 Search and Rescue personnel ang naka standby para sa posibleng deployment at focused PNP operations.

Sa datos ng PNP, anim na indibidwal ang naiulat na missing sa Cordillera region, isa sa NCR , pito sa region 2, dalawa sa Calabarzon at walo sa region 5.
Sumampa na rin sa 42 katao ang naitalang nasawi habang 43 ang sugatan.

Binigyang-diin din ni Sinas,na tiyakin ang seguridad sa mga evacuation centers sa mga rehiyon na hinagupit ng Bagyong Ulysses.

Sa katunayan nasa 994 police personnel ang idineploy ni Sinas para tiyakin ang seguridad sa mga evacuation centers sa Ilocos region, Cagayan valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region at National Capital Region.