ROXAS CITY – Pumalo na sa 26 na katao ang nasawi makaraang tumama ang magnitude 7 na lindol sa Turkey at Greece.
Ayon kay Bombo International Correspondent Jealexiz Makenzy Corros na nakabase sa Istanbul, Turkey at tubong Barangay Milibili, Roxas City, nakaramdam aniya sila ng kaunting pagyanig at may ilang mga naitalang mini tsunami sa Izmir City kung saan nagresulta ng ilang mga pagbaha.
Umabot na raw sa 20 gusali ang gumuho matapos ang malakas na lindol na naging dahilan upang masugatan ang nasa 800 Turkish nationals.
Maliban dito ay may isang ospital rin ang nakapagtala ng ilang pinsala dahil sa pagyanig, dahil dito ay ilan sa mga pasyente ang pansamantalang inilabas mula sa mga pasilidad.
Pansamatala ring nawalan ng suplay ng kuryente at internet connection ang kanilang lugar.
Sa kabila nito, nagpasalamat naman si Corros na walang Filipino ang nadamay o nasugatan dahil sa lindol.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operation sa lugar kung saan may ilang katao naman ang nabagsakan ng mga gumuhong gusali.