Nagpapatuloy ang ginagawang search and rescue operation ng mga otoridad sa San Jose, Occidental Mindoro para sa 19-anyos na babae na missing matapos lumubog ang sinasakyang motor banca nito.
Kinilala ni PRO-4-B MIMAROPA Spokesperson PSupt. Imelda Tolentino ang nawawalang 19-anyos na bata na si Lea Mangao na isang estudyante.
Ayon kay Tolentino sumakay ng banca ang biktima kasama ang siyam pang pasahero ng biglang nasira ang katig nito na naging dahilan sa paglubog ng bangka.
Napag-alaman na masama ang panahon at malakas ang alon ng mangyari ang insidente.
Nagawa namang mailigtas ang walong pasahero pero tinangay ng malakas na alon ang biktima.
Batay naman sa report ng Philippine Coast Guard na binabaybay ng nasabing motor banca ang ilog sa may Barangay San Agustin ng mangyari ang aksidente.
Sinabi ni Tolentino na hanggang sa ngayon patuloy na pinaghahanap ang dalaga.
Aminado si Tolentino na nahihirapan din ang mga otoridad sa paghahanap dahil napakalakas pa rin ng current ng tubig hanggang sa ngayon.
“Pinaghahanap pa rin po yung biktima. Malakas po ang current ng tubig kaya di po tuloy tuloy ang paghahanap,” mensahe na ipinadala ni Tolentino sa Bombo Radyo.