VIGAN CITY – Tinatayang magtatagal pa sa isang linggo ang isinasagawang search, rescue and retrieval (SRR) operations sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga dahil sa magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Central Luzon noong Lunes, April 22.
Ito ay kahit wala na umanong “signs of life†o palatandaan na may buhay pa sa gumuhong supermarket na nararamdaman o nade-detect ng life detection aparratus na ginagamit ng mga miyembro ng SRR teams.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesman Edgar Posadas na umaasa pa rin umano ang mga miyembro ng SRR teams na mayroon pa silang buhay na mahuhukay sa gumuhong supermarket mula sa natitirang pitong kataong kasalukuyang pinaghahanap nila sa lugar.
Aniya, gusto umano ng mga rescue teams na sa loob ng dalawa o tatlong araw ay matapos na ang operasyon sa lugar ngunit sa isinagawang pulong ng mga miyembro ng incident management team kahapon, posibleng abutin pa ng isang linggo ang kanilang operasyon sa lugar, depende umano sa sitwasyon.
Nananatili sa 16 ang patay dahil sa lindol sa Porac, Pampanga ngunit hindi pa pinapangalangan kung sino ang mga ito dahil dumadaan pa sa verification process, samantalang higit sa 80 ang sugatan ngunit inaasahang madadagdagan pa umano ang mga ito habang patuloy ang operasyon ng mga rescue teams.