Kinumpirma ng pamunuan ng Presidential Anti-Organize Crime Commission na humiling na ito ng search warrant sa korte para halughugin ang buong compound ng sinalakay na POGO hub sa Porac. Pampanga.
Ito ay matapos na makatanggap ng impormasyon ang komisyon hinggil sa mga bangkay umano ng mga foreign nationals na nakalibing sa naturang lugar.
Ayon kay PAOCC Spox. Dir. Winston Casio, apat na lugar ang target nilang galugarin batay na rin sa kanilang hawak na impormasyon.
Karamihan aniya sa mga nakalibing dito ay mga lumabag sa internal rules ng scam hub, pinarusahan, pinatay o namatay dahil sa torture.
Nilinaw naman ng opisyal na walang Pilipino ang nakalibing batay na rin sa kanilang impormante.
Sa ngayon , hinihintay nalang ng PAOCC ang magiging tugon ng korte sa kanilang search warrant request.
Kung maaalala, sinalakay ng mga otoridad ang naturang POGO hub kamakailan at natuklasan nito ang ilegal na operasyon ng naturang kumpanya.