Iprinisenta na ng Department of Interior ang Local Government (DILG) si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy, kasama ang mga kapwa akusado na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cemanes, kasunod na rin ng tuluyan nilang pagsuko noong araw ng linggo, Setyembre 8.
Pinangunahan ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr. ang presentasyon kung saan inabot lamang ito ng kulang-kulang isang minuto at hindi na sila hinayaang matanong pa ng mga kawani ng media.
Matapos ang halos isang minutong exposure, ibinalik din ang mga akusado sa isang kwarto.
Makikita sa naturang presentasyon, na nakasuot ng orange detainee shirt ang mga akusado ngunit apat sa kanila, kabilang si Quiboloy, ay may suot na itim na jacket.
Hindi rin gaanong makita ang mukha ng kontrobersyal na pastor dahil nakasuot ito ng itim na sunglasses habang suot pa rin nito ang black cap na may markang agila, ang parehong sumbrero na suot niya noong lumutang siya noong araw ng linggo
Ipinakita rin ng Department of Interior ang Local Government (DILG) ang detention facility sa Philippine National Police(PNP) Detention Center na pansamantalang titirhan ng mga akusado.
Makikita rito ang mga kama, tig-isang electric fan, upuan, lagayan ng tubig, at maliit na comfort room sa loob mismo ng kwarto.
Makikita ring malinis ang mga naturang room batay sa video na ipinalabas ng DILG.
Ayon kay Abalos, walang magiging special treatment kay Quiboloy at mga kasamahan, kasunod ng tuluyang pagsasakustodiya sa PNP.
Ang grupo ni Quiboloy ay pawang nakadetine sa Costudial Center sa Camp General Rafael T. Crame, ang national headquarters ng Philippine National Police na nasa Quezon City.