-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pinuri ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang provincial government ng Cotabato dahil sa matagumpay na pagpapatupad umano ng mga programa at pagsisikap para masugpo ang banta laban sa COVID-19 pandemic.

Ito ang naging pahayag ni Sec. Andanar matapos itinampok ang Cotabato province sa kanyang programa sa online platform, telebisyon at radyo na Laging Handa Network Briefing.

Aniya, naging epektibo umano ang mga naging hakbang ng pamahalaang panlalawigan kaya naabot nito sa ngayon ang zero active cases ng COVID-19 sa probinsya.

Sa huling taya, naka-recover na ang limang naitalang COVID-19 patients sa lalawigan na nagmula sa Midsayap (1), Kidapawan City (2), Banisilan (1) at M’lang (1).

Pinasalamatan naman ng pamahalaang panlalawigan ang National Government sa walang tigil na suporta nito lalo na sa pagbibigay ng Rapid Testing Kits sa probinsya.

Samantala, nananawagan naman ang Provincial government ng Cotabato sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng karagdagang tulong para sa mga pamilyang hanggang sa ngayon ay apektado at hindi pa din nakakaahon dahil sa malakas na lindol noong nakaraang taon.

Nangako naman si DSWD Sec. Rolando Bautista na maibibigay ang tulong na kinakailangan ng naturang mga pamilya.