Patuloy na nangangamba si Education Secretary Sonny Angara sa sunod-sunod na pagsuspinde ng mga face-to-face class dulot ng mga bagyo.
Ayon kay Angara, nababahala sila para sa mga estudyanteng maapektuhan ng nasabing suspension, iba pa rito aniya ang aabot na 20 gagawing make up classes ng mga paaralan.
‘Baka umabot na kasi sa punto na sobrang dami na ‘yung na-miss na..(klase) hindi na nila ma-recover.’ Ani Angara.
Ipinaubaya naman ni Angara ang desisyon sa mga prinsipal ng mga paaralan kung magsasagawa ang mga ito ng make up classes tuwing Sabado.
Pagkatapos kasi manalanta ni ‘Kristine’ ay mayroon namang paparating na bagong bagyo ang maaaring makapinsala muli sa bansa ayon sa state weather bureau.
Samantala, naitala ng DepEd ang nasa 11 teaching at isang non-teaching employee ng paaralan ang nasawi dulot ng landslide, pagka-lunod, at nakuryente noong kasagsagan ni Severe Tropical Storm ‘Kristine’.