Personal na binisita ni Education Secretary Sonny Angara ang limang paaralan sa Northern Mindanao at pinangunahan ang unang out-of- town Management Committee (ManComm) meeting sa ilalim ng kanyang pagbabantay sa kanyang dalawang araw na opisyal na pagbisita.
Bahagi umano ito ng patuloy na pagsisikap ng Department of Education (DepEd) na tugunan ang mga itinuturing na “on-the-ground concerns.”
Sinabi ni Angara na personal niyang kinumusta ang mga guro at mag-aaral at inalam ang mga kondisyon ng mga silid-aralan at pasilidad.
Sinamantala rin niya ang pagkakataong talakayin ang mga kasalukuyang programa ng DepEd, na binibigyang-diin ang mga pangunahing hakbangin na ipinatutupad sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pangunahing highlight sa aktibidad sa Kinanao Pamalihi Elementary School ay ang turnover ceremony ng isang Last Mile School building, proyekto na nakatuon sa katutubong Higaonon community.
Sa City Central School, pinasinayaan din ni Angara ang isang bagong tatag na Inclusive Learning Resource Center (ILRC).
Kasama sa makabagong pasilidad ang isang hydrotherapy room, speech laboratory, computer laboratory, drone simulation facility, at isang Madrasah classroom, na tumutugon sa magkakaibang pangangailangan ng populasyon ng estudyante.
Pinangunahan din ni Angara ang pulong ng DepEd ManComm, na nakatuon sa mga update sa paghahanda ng ahensya sa paparating na international large-scale assessments kabilang ang PISA at ang Early Procurement Activities na isasagawa ngayong taon.
Bukod pa rito, tinalakay din ang paglunsad ng Alternative Learning System – Senior High School (ALS-SHS) program.