Nakiusap si Interior Sec. Eduardo Año sa mga stranded na indibiwal na iwasang magpunta sa mga paliparan kung walang mga kumpirmadong flight ang mga ito pauwi sa kanilang mga lalawigan.
Sinabi ni Año na nakakadagdag lamang umano sa pasanin ng national government ang ganitong insidente sa pagsigurong magiging mabilis ang biyahe ng mga stranded na indibidwal sa Metro Manila.
“Puwede ba sa mga kababayan natin, stay at home. Huwag muna kayong pumunta ng airport kung wala kayong flight. Dagdag kayo sa problema sa totoo lang instead na naaayos natin smoothly eh dadagdag ‘yung mga unscheduled flights…” wika ni Año.
Ayon sa kalihim, peke ang ilan sa mga ticket na binili ng mga stranded na indibidwal.
Kapag hindi pinahintulutan ang mga ito na makapasok sa paliparan, pinipili na lamang ng mga ito na manatili para magbaka-sakaling makakuha ng biyahe pabalik sa kanilang probinsya.
Sinuportahan din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang sinabi ni Año, at dapat kontrolin ng gobyerno ang pagbuhos ng mga indibidwal sa paliparan.
Sinabi pa nitong ginagamit na rin ang resources ng pamahalaan upang ibiyahe ang mga stranded na indibiwal.