Hindi naitago ni Pang. Rodrigo Duterte ang kanyang galit na naramdaman sa ginawang pananambang ng rebeldeng NPA sa mga pulis sa Borongan Eastern Samar.
Ayon kay DILG Sec Eduardo Año na inatasan ni Pangulong Duterte ang mga Pulis na isuot ang kanilang camouflage uniforms lalo na ang mga nakatutok sa opensiba laban sa komunistang grupo.
Ayon sa kalihim, labis na ikinagalit ng Pangulo ang nangyari lalo’t kabubukas pa lamang muli ng pintuan ng negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang grupo.
Dahil dito, sinabi ni Año na pinaghahanda ng Pangulo ang mga Pulis sa bawat hakbang ng mga ito upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.
Nasa offensive mode naman ang PNP kaugnay sa nalalapit na anibersaryo ng CPP NPA sa December 26.
Mahigpit din ipatutupad ng PNP ang one strike policy sa mga hepe ng Pulisya sakaling malusutan sila ng mga ikakasang pag-atake ng rebeldeng komunista.
Ala-6:00 pa lamang ng umaga nang itaas na ng PNP ang full alert status bilang bahagi ng paglalatag ng seguridad ngayong panahon ng Kapaskuhan.
“Yes galit sya sa ginawang pag ambush ng NPA sa PNP natin sa Borongan Samar at nadamay pa ang inosenteng civilians. Gusto nya na mag ingat at mag prepare mabuti ang pulis natin sa bawat movement. Likewise he directed the PNP to wear camouflage uniforms ang mga Pulis na involved sa paglaban sa NPA,” pahayag ni Secretary Eduardo Año.