-- Advertisements --

Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na sasampahan ng kaso ng gobyerno ang babaeng balikbayan na tumakas sa quarantine facility sa Makati City.


Ayon kay Secretary Eduardo Año, mananagot si Gwyneth Anne Chua, na nanggaling sa Los Angeles, California, pero pumuslit para makipag-party at kinalaunan ay nagpositibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Sa sandaling makarekober na ito sa sakit, papanagutin siya dahil sa paglabag sa state-mandated health protocols.

Una nang ipinag-utos ni Ano sa PNP (Philippine National Police) na imbestigahan ang nasabing kaso.

Kumikilos na rin ang Criminal Investigation and Detection Group, National Capital Region Police Office at Health Service, para alamin ang circumstances kung bakit nakalabas ng quarantine facility ang binansagan na ngayon bilang si “Poblacion girl.”

Si Chua ay nag-check in sa Berjaya Hotel noong December 22, nagtungo sa isang kalapit na bar at December 27 nang mag positibo ito sa COVID-19.

“Yes, kakasuhan natin ‘yan,” mensahe ni Sec. Año.