CAGAYAN DE ORO CITY – Ayaw nang patulan pa ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang ginawang paghahamon ng mga kaanib ni Joel Apolinario ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Inc., kaugnay sa closure order na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung maaalala sunod-sunod ang pagkakumpiska ng mga ebidensiya nang magsagawa ng raid ang SEC, National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-CIDG sa mga KAPA offices sa ilang bahagi ng bansa batay din sa search warrant na iginawag ng korte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni SEC regional director Atty. Reynato Egypto na nakarating na sa kanilang top officials ang panglalait ng KAPA sa closure order na ipinapatupad ng gobyerno subalit hindi na nila ito papatulan pa.
Inihayag ni Egypto na maghihintay na lamang daw ang KAPA sa susunod na maaring mangyari kaugnay sa kautusan ni Duterte at sa hakbang ng Department of Justice na tumututok din sa usapin.
Inamin ng opisyal na mas lalong ginanahan ang SEC na habulin ang KAPA nang muling ipinag-utos ni Duterte ang pagpapatigil ng operasyon.
Una na kasing nagpakalat ng maling mga impormasyon si Apolinario na nagkausap na umano sila subalit salungat ito sa naging pahayag ni Duterte nang humarap sa publiko sa General Santos City kahapon ng hapon.