-- Advertisements --

Naglatag ng mga kondisyon si DSWD Sec. Rolando Bautista bago tanggapin ang paumanhin na hinihingi ni Erwin Tulfo sa kanya matapos siyang batikusin nito sa radyo.

Sa isang statment nitong araw, sinabi ni Bautista na dapat ilatlaha ni Tulfo ang apology nito sa kanya sa mga pahayagan, sa social media, at maging sa mga istasyon ng radyo.

Dapat mag-donate din aniya si Tulfo ng minimum na P300,000 bawat isa sa 19 na organisasyon na kanyang tinukoy, kung saan karamihan ay para sa kalusugan, edukasyon, at kapakanan ng mga sundalo at residente ng Marawi City.

Si Bautista ay retired Army chief na nanguna sa rehabilitation ng Marawi City matapos itong masira dahil sa paglusob ng teroristang Maute Group.

Magugunitang tinawa na “buang” ni Tulfo si Bautista sa kanyang programa nang dahil lamang sa hindi available noong mga panahon na iyon ang kalihim para sa isang interview.

“Sino ba itong buang na ito? Pasensiya na muna ano ha. Maski tao ka ni Pangulong Duterte, le-lecture-an muna kita,” ani Tulfo.

Nagbanta pa si Tulfo na sasampalin si Bautista sa oras na magkrus ang kanilang landas at i-dunk daw ang ulo nito sa kubeta.