Tinanggap na ni Social Welfare Sec. Rolando Bautista ang paghingi ng paumanhin sa kaniya ng broadcaster na si Erwin Tulfo matapos ang ginawang pagmumura at pagbanat sa kaniya sa programa nito sa radyo.
Pero naglatag ng ilang kondisyon si Bautista para tuluyan nang tanggapin nito ang paghingi ng paumanhin ni Tulfo tulad ng pagpapalabas nito sa mga pangunahing himpilan ng telebisyon, radyo at diyaryo sa bansa maging sa social media.
Kinakailangan ding magbigay ng donasyon ni Tulfo nang hindi bababa sa P300,000 sa iba’t ibang unit ng PNP at AFP kabilang na ang PMA Alumni Association bilang danyos o bayad sa pinsala sa kaniyang pagkatao gayundin sa institusyong kaniyang nasaktan.
Narito ang 19 na organisasyon na tinukoy ni Bautista: “Philippine Military Academy; The Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated; The Association of Generals and Flag Officers; The First Scout Ranger Regiment, PA; The Special Forces Regiment, PA; The Light Reaction Regiment, PA; The Philippine National Police Special Action Force; The Philippine Naval Special Operations Group, PN; The Philippine Marines Special Operations Group, PN; The Philippine National Police Maritime Group; The Trust Fund for the City of Marawi’s Internally Displaced Persons to be administered by DSWD BARM; The Philippine Veterans Hospital; The AFP Victoriano Luna Medical Center; The Philippine National Police Camp Crame General Hospital; The Philippine Army General Hospital; The Philippine Navy General Hospital; The Philippine Air Force General Hospital; The Philippine Coastguard General Hospital; and An Educational Trust Fund for the deserving children of DSWD employees.”
Samantala, nagpasalamat si Bautista sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan, grupo at mga karaniwang tao na naglaan ng oras at panahon upang siya’y suportahan at nagmalasakit sa kaniya kaya’t tatanawin niya itong malaking utang na loob at panalagin nito na pagpalain sila ng Dakilang Lumikha.