BAGUIO CITY – Idineklara ng bayan ng Sabangan sa lalawigan ng Mountain Province bilang ‘adopted son’ si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre “Bebot” Bello III sa bisa ng isang resolusyon ng Sangguniang Bayan.
Binigyan nila ang kalihim ng palayaw na “Malan-uya” na ibig sabihin ay isang indibidual na may magandang ugali at pagkatao.
Ayon kay Vice Mayor Dario Esden Sr., kinikilala ng lokal na pamahalaan ng Sabangan ang DOLE sa pamumuno ni Bello dahil sa patuloy na pagsuporta nito sa kanilang bayan sa pamamagitan ng ibat-ibang tulong.
Aniya, dahil sa mga nasabing tulong ay maikokonsidera si Bello bilang isang tribal leader na nakahandang magbigay sa mga pangangailangan ng kanyang komunidad.
Dinagdag niya na ito ang dahilan kung bakit kinilala ng Sangguniang Bayan ng Sabangan si Bello bilang isang “i-sabangan”.
Sabado, July 31 ay pinangunahan ni Bello ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) Program at ilan pang mga livelihood programs ng DOLE sa mga recipients sa Mountain Province sa seremonya na isinagawa sa Poblacion, Sabangan.
Ipinamahagi ni Bello ang higit P100-M sa mga displaced workers mula sa mga bayan ng Mountain Province gaya ng Sabangan, Paracelis, Natonin, Barlig, Bontoc at Tadian.
Nakatanggap din ang 29 na mga estudyante mula bayan ng Bontoc ng financial assistance sa ilalim ng Special Program for the Employment of Students ng DOLE habang pitong organisasyon mula sa lalawigan ang nakatanggap ng livelihood cash assistance na aabot sa higit P2.3-M.
Nakatanggap pa ang limang rebel returnees ng financial aid ng kabuuang P132,780 habang limang beneficiaries ng Government Internship Program ang nakatanggap ng kabuuang P19,250.