Nakatakdang bumuo ng panibagong division ang Securities and Exchange Commission (SEC) na naglalayong mag-focus sa financing at lending firms.
Ito ay bilang bahagi ng crackdown laban sa mga abusadong lenders alinsunod Lending Company Regulation Act (LCRA).
Ayon sa Department of Finance (DOF), iniulat ng SEC na pagtutuunan nito ang kampanya laban sa mga abusadong lending firms matapos itong makatanggap ng mga reklamo tungkol sa masasamang gawain ng mga ito kabilang na ang pananakot o pang i-insulto sa mga borrowers nito.
Kaugnay nito ay nag-set up na rin ang SEC ng online team na magsasagawa ng sweeping operation, monitoring sa mga complaints, at magre-review sa mga social media platform na susuri sa mga posibleng mapang-abuso o ilegal na lending practices.
Samantala, una rito ay binalaan na ng SEC at National Privacy Commission (NPC) mga kumpanya laban sa hindi patas na pangongolekta ng mga utang tulad ng pagpapadala ng violent threats, paggamit ng masasakit na salita, pagdisclose ng pangalan at iba pang personal na impormasyon ng borrower sa publiko, at pagpapadala ng mensahe o pagtawag sa mga taong nasa contact list ng borrower ng walang pahintulot.
Sa tulong ng Philippine National Police (PNP) ay inaresto ng mga otoridad noong nakaraang buwan ang nasa mahigit 45 na mga manggagawa ng isang lending firm, kabilang na ang isang Chinese national dahil sa panghaharas at pananakot sa isang kliyente nitong hindi makapagbayad ng utang sa loob ng itinakdang panahon.
Ni-revoke din nito ang registration ng nasa 2,081 na kumpanya, at tiniyak ang paghatol sa 76 mga indibidwal dahil sa kasong paglabag sa LCRA.
Nag-isyu din ito ng cease and desist order laban sa 73 online applications, at kinansela ang mga lisensya ng 36 na financing o lending companies.