-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinatutsadahan ngayon ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ang kaniyang mga kritiko kaugnay sa gagawing pag-aangkat o pag-iimport ang galonggong sa bansa.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Sec. Dar, sinabi nitong nakakatulog pa naman siya ng mahimbing sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos ang inaabot nito.

Tinawag din niyang lumang isyu ang ibinabato sa kaniyang kurapsyon sa ahensya at nakahandang humarap sa anumang klaseng imbestigasyon.

Nanindigan ang kalihim sa gagawing importasyon ng galonggong na ayon sa kaniya ito ang makakatulong sa kakulangan ng suplay sa susunod na araw.

Sa kanilang hawak na datos, aangkat ang bansa ng kabuoang 60,000 metriko tonelada ng galonggong upang matugunan ang kakulangan na suplay sa unang quarter ng taon.

Dagdag pa ng kalihim malaking dagok sa kagawaran ang nagdaang bagyong Odette na kung saan umabot sa P3.97 billion ang lugi sa fisheries sector.

Matatandaang umani ng samu’t saring reaksyon mula sa mga mambabatas ang gagawing pag-angkat ng galonggong department agriculture sa ibang bansa.

May inihain ding resolusyon sa Kamara ang Makabayan bloc sa gagawing in aid of legislation investigation kaugnay sa kakulangan ng galonggong na makakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda.