VIGAN CITY – Umapela ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka sa bansa na magkaroon sila ng malalim na ugnayan o close coordination sa mga iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na maaaring makatulong sa kanila.
Ito ay ukol sa iba’t ibang mga isyu hinggil sa pagsasaka ngayon lalo na ang mababang presyo ng palay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, hiniling ni Agriculture Secretary William Dar na makipag-ugnayan ang mga magsasaka na miyembro ng asosasyon at kooperatiba na kung maaari ay kaagad nilang idulog, hindi lamang sa DA, kundi sa iba pang ahensya na makakatulong sa kanila kung ano ang kanilang problema o concern.
Aniya, hindi umano kaya ng DA lamang na tugunan ang iba’t ibang problema ng mga magsasaka bagama’t gumagawa naman sila ng paraan upang maibsan ang epekto ng mga ito sa kanila.
Maliban pa dito, hiniling din ng opisyal na alagaan at linangin ng mga magsasaka ang mga naibahagi sa kanilang farm machineries at proyekto nang sa gayon ay magkaroon sila ng masaganang kita.