CAGAYAN DE ORO CITY – Aminado ang Security and Exchange Commission (SEC) na dismayado sila sa tila malamig na pagtrato ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) sa cease and desist order (CDO) laban sa investment taking ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated na kumikilos sa ilang bahagi sa Mindanao.
Ito ay kasunod ng deputization order na inilabas ng SEC sa National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang local government units at PNP upang tuluyang ipatigil ang pinasok na illegal activities ng KAPA.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni SEC regional director Atty. Reynato Egypto na nakatanggap sila ng dalawang magkahiwalay na sulat mula sa DILG-Caraga at PNP official mula sa Butuan City na mistulang pahiwatig na pagtanggi sa pagpapatupad ng CDO dahil sa maraming kadahilanan.
Nakakadismaya aniya na ganito ang inaasal ng ibang ahensiya ng gobyerno na inaasahan pa naman nila na makatulong mabigyan ng proteksyon ang interes sa publiko.
Sinabi ni Egypto na isinumite na nila ang natanggap na mga sulat sa SEC-Manila upang mismo na ang mga ito ang magsagawa ng koordinasyon sa DILG at PNP top officials ukol sa usapin.
Napag-alaman na tuluyang binuwag ng SEC en banc ang rehistro ng KAPA dahil sa pinasok na mga iligal na gawain katulad ng mga pagtanggap ng donasyon na pinangakuan ng 30 porsiyento na payouts o return of investments.