Mariing pinabulaanan ni Health Sec. Francisco Duque III na may kaugnayan siya sa mga kontratang nakuha sa gobyerno ng medicine firm na pagmamay-ari ng kaniyang pamilya.
Una rito, muling inilahad ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na nakakuha ang Doctors Pharmaceutical Inc. (DPI) ng pamilya Duque ng milyun-milyong kontrata para maging supplier ng gamot sa government hospitals.
Ayon kay Duque sa panayam ng Bombo Radyo, taong 2006 pa lang ay nag-divest na siya sa kompaniya kaya’t walang conflict of interest.
“Noong 2005 pa nagsimula ang divestment process at natapos noong 2006. Naibenta ko na rin ‘yung shares ko noon. Kaya wala ritong conflict of interest,” ani Duque.
Pero para kay Lacson, may mga hawak siyang dokumento na konektado pa rin ang kalihim sa kompaniya kahit ito ay nasa gobyerno na.
“Clearly, at the time PhilHealth was paying sums for lease payments to the Duque-owned building, Dr. Francisco Duque directly held concurrent positions in their family corporation and high-rank government posts which created an undeniable conflict of interest: Noong 2012, habang siya ang nakaupong Executive Vice President ng EMDC, siya rin ang Chairman ng Civil Service Commission na kasabay na naglingkod bilang ex-officio member ng PhilHealth Board of Directors. Bukod pa rito, habang siya ay consultant ng Department of Health mula May 2015 hanggang June 2016, tumayo rin siya bilang Presidente ng EMDC,” wika pa ni Lacson.