Nilinaw ni Health Sec. Francisco Duque III na ligtas namang gamitin ang ilang brands ng suka na natuklasang may content na synthetic acetic acid.
Sa isang panayam, iginiit ni Duque na hindi naman issue ang safety nang pag-consume nito kundi ang paglabag sa polisiya sapagkat nagkaroon ng mislabeling.
Batay sa pag-aaral kamakailan ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), natuklasan na 15 sa 17 brands ng suka ay naglalaman ng synthetic acetic acid.
Tumanggi ang PNRI na pangalanan ang mga brands na ito pero nagkusa na ang Food and Drugs Administration (FDA) na suriin ang lahat ng brands ng suka na ibinibenta sa mga pamilihan.
Inanunsyo noong nakaraang linggo ng FDA ang resulta ng kanilang pagsusuri at natuklasan na mayroong limang brands ng suka na naglalaman ng synthetic acid.
Dahil sa mga paglabag na ito ng ilang vinegar brands, sinabi ni Duque na marapat lamang parusahan ang mga may-ari nito.
“Hindi siya naaayon sa standard na napag-usapan ng industriya at ng regulating agency na FDA na kailangan sundan nila. Dapat sila ay humarap sa consequences ng kanilang paglabag,†ani Duque.
Sinabi ng kalihim na bukod sa nilabag ng ilang vinegar brands ang standard fermentation process, hindi rin aniya nakalagay ito sa label ng kanilang produkto.
Kaya naman naglabas na ng public advisory ang Department of Trade and Industry na umaapela sa publiko na iwasan na ang pagbili sa mga naturang vinegar brands.